hanggang kailan mo kayang maghintay?
hanggang kailan mo kayang magtiis?
hanggang kailan ka kakapit sa iyong pananampalataya?
hanggang kailan mo kayang magtiis?
hanggang kailan ka kakapit sa iyong pananampalataya?
lalo na kapag ang pag-ibig ay nalagutan na ng hininga...
tatlong magkakaibigan. tagni-tagning kuwento.
inihahandog ni kalansay collector para sa semana santa...
ang
"minsan namatay ang pag-ibig"
nakiramay si sto. niño, ang biyernes santo at ang burol na dating luntian
nakiramay si sto. niño, ang biyernes santo at ang burol na dating luntian
Maririnig sa hindi kalayuan ang kalembang ng simbahan na tila nanunuya, patay na si Kristo, mukhang binubulong nito. Kasabay noon ang himno ng mga matatandang nagbabasa ng Pabasa habang tirik na tirik ang araw na sadya yatang sinusunog ang lahat ng sangkatauhan sa kanilang mga kasalanan. Ngunit sa isang munting bahay na nabahiran ng alikabok ng lahar, may tatlong kaluluwang tila kinalimutan na ng tadhana. Tatlong kaluluwa na sinasabayan ang pagluluksa sa pagkamatay ni Kristo.
"Hindi ko sinasadya…"Ang mga hikbi ay natatabunan ng mga tawang kay tagal ng naitago. "Hindi ko talaga sinasadya…"
Nalalapit na ang mga nagpepenitensiya, tumatalamsik ang kanilang dugo na mula sa kanilang sugatang likod sa kalsadang nadungisan na ng lahar. Ang init ay tila nang-uusig sa kanilang binabayarang kasalanan. Sa silong ng bahay na may tatlong kaluluwa ay nanggagamot si Sto. Niño sa mga nananalig at siya'y walang kamalay-malay na may tatlong makakasalanan na pala ang namumugad sa tirahan. Sa kalsada, tunog ng mga kawayang humahampas sa likod na pulang-pula na sa dugo, dugong kumakandirit sa mainit na daan. Sa loob ng bahay, tatlong kaluluwa, isang humihikbi, isang tumatawa at isang walang malay na nakahandusay.
Matagal na akong hindi umuuwi ng Pampanga. Simula kasi nang mapasok sa seminaryo, hindi na ako lubusang nakadalaw. Buti na lang, bakasyon na at mahal na araw kaya maaaring bumisita. Sumusunod ako sa mga mananampalataya habang naririnig ang mga matatandang bumibirit ng pasyon sa may pabasa sa di kalayuan. Mahaba ang pila ng mga nagpepenitensiya at dinidiligan nila ng kanilang dugo ang sunog na kalsada at hindi rin nila alintana ang lapnos na dulot nito sa kanilang mga paa. Alang-alang sa pananampalataya. Alang-alang sa pagmamahal. Magkahalong dugo at pawis ang tumatagaktak sa kanilang mga likuran, nangunguna sa mahabang pila ang mga beterano na sa pagpapapako sa krus habang pasan-pasan ang trosong pagpapakuan.
Sa totoo lang sawa na akong makakita ng ganito tuwing sasapit ang Biyernes Santo. Hindi mga nagpapapakong mananampalataya at mga sinasapian ni Sto. Niño ang pinunta ko rito. Nagbalik ako para harapin ang dalawa kong matalik na kaibigan. Nagbalik ako para mang-usig. Nagsimula ako mula sa mga tagamasid sa gilid ng kalsada at sa gitna ng mga iba’t -ibang kulay na payong sa lugar na hindi mahulugang karayom, nakita ko ang isa sa mga hinahanap ko.
"Mercy!" Tawag ko sa isang babaeng na halatang hapo na sa paglalakad sa gitna ng araw. May dala-dala siyang jug at makikitang malamig ito dahil sa nagpapawis ito sa labas. Lumingon siya at nanlaki ang mga mata, hindi makapaniwala sa nakita ngunit bakas ang pananabik. Isang nakakailang na katahimikan ang namayani sa amin at tila huminto ang lahat sa nangyari.
"J-Jude?!" Siya ang bumasag ng katahimikan.
"Kumusta?" Umiwas siya ng tingin at tumingin sa hindi kalayuan.
Sinundan ko ang kaniyang tingin at napako ako sa isang pamilyar na tao. Nakatingin siya sa isa sa mga nagpepenitensiya. Natatakpan ang mukha nito ng itim na t-shirt na binuhol sa likod ng ulo at may koronang gawa sa ligaw na damo at baging na di mawari. Kahit na tago ang mukha nito, kilalang-kilala ko kung sino siya. Naglalakad siya ng nakayapak kagaya ng ibang nagpepenitensiya. Hinahampas ng isang buntong maliliit na kahoy na kawayan ang kaniyang duguang likod. Napakunot ang mukha ko sa aking nasaksihan.
"Hindi mo sinabi sa akin na kayo na pala?" Sabi ko.
"Ha? Sinong may sa-" Hindi siya makatingin ng deresto. "Oo. Mag-aapat na taon na."
"Matagal na rin pala."
"Jude, hindi kasi maaari ang gusto mo!"Biglang kabig ni Mercy. Hindi ako nakasagot at bigla siyang lumakad palayo. Napako ako sa aking kinatatayuan, nabubunggo na ako ng mga tagamasid. Patakbo akong humabol sa kaniya at sumabay sa pagmamadali niyang paglalakad.
"Umiiwas ka ba Mercy?" Tanong ko.
Nagulat siya sa tanong at umiling. Nagmadali itong muli at kitang-kita ko sa mukha niya na siya’y balisang-balisa. Kumakabog na ang puso ko kasabay ng tunog ng paglalapat ng mga kawayan sa duguang likod at kasing taas ng pasyong binabasa ng mga matatanda. Nasaktan ako. Nasasaktan ako. Naramdaman kong ayaw niya akong makita.
"Bakit ngayon ka pa nagbalik? Bakit ngayon pa kasi?!"Si Mercy pa ang nang-usig.
"Alam mo naman kung bakit ako bumalik di ba? Iyon din ang dahilan kung bakit ako umalis at pumasok ng seminaryo." Tugon ko.
"Alam ko Jude! Pero bakit ngayon pa?!" Nahinto siya sa paglalakad at tumingin sa akin. Nangingilid na ang mga luha niya. Nakatitig lang siya sa akin at muli na namang bumagal ang oras. Kasabay ng pagtagas ng pawis ng dala niyang jug, tumulo rin ang luha sa kaniyang mata. "Bakit ngayon pa kung kailan hindi na puwede?"Mahina niyang sabi.
Pinahid niya ang kaniyang luha at natahimik kami. Muli na naman kaming naglakad. Walang kumikibo sa amin. Parang isang bulalas ng salita ay kamatayan ang kapalit. Narating na pala namin ang lugar kung saan pinapako ang mga nagnanais gayahin ang ginawa ni Kristo. Malapit na roon ang bahay nina Mercy. Nakatayo ang tahanan nila sa tabi ng dati nilang bahay na bubong na lang ngayon ang makikita dahil binura ito ng lahar. Ang lugar na pagpapakuan ay dating luntiang burol na kung saan binuo namin tatlong magkakaibigan ang aming mga ala-ala sa Pampanga. Hinding-hindi kami mapag-hiwalay noon . Noong sumabog ang Mt. Pinatubo namatay ang ama ni Mercy kasama pa ang iba naming mga kamag-anak. Nanlumo man kami sa nangyari, sa dating luntian na naging abo, muli naming binuo ang aming mga pangarap. Hanggang sa naisipan ni tatang at ni ima na sa Maynila na lang kami manirahan. Kasabay noon ang pag-iiba ng aking damdamin. Hindi ko iyon lubos na maintindihan. Kaya natuwa ako nang malamang kami’y aalis. Makakatakas ako sa mata ng mga mapang-usig. Ngunit iiwan ang unang nagpatibok ng aking puso. Kinagabihan bago kami pumunta ng Maynila, napagtapat ko kay Mercy ang lahat. Siya lang ang nakakaalam ng aking lihim. Ang sabi niya sa akin, maghihintay pa rin siya. Maghihintay sa pag-ibig na hindi yata para sa kaniya.
Sa burol na iyon kaming tatlo ay binuklod. Sa burol na iyon kami’y pinaghiwa-hiwalay. Sa burol na iyon mga pangarap namin ay nabuo, nawasak at muling binangon. Sa burol na iyon naramdaman namin ang lahat ng maaaring maramdaman. Ngayon nakatayo kami ni Mercy sa lugar na dating berde na ngayo’y tinatapakan na lamang ng maraming tao. Narinig na namin ang martilyo at ang mga impit ng mga nagpapako. Maya-maya pa’y tinaas na ang tatlong krus lulan ang dalawang lalaki at isang babae. Bakas sa mukha nila ang hapdi at sakit pati na ang init ng araw na mapang-usig. Ang kanilang mga pawis ay humahalo na sa hangin. Ang mga tagamasid ay tumingala sa pagkamangha. Habang muling nagpatuloy ang mga nagpepenitensiya sa paghampas sa sairili.
"Hanggang ngayon... ikaw pa rin."Narinig kong kaniyang binulong sa gitna ng mga daing at sakit dulot ng mga kawayang gumuguhit sa likod na nag-iinit.
II. Anak ni Sto. Niño
Dagsa ang mga mananampalataya sa aming silong. Naniniwala kasi sila na mas malakas ang kapangyarihan ni ima tuwing Biyernes Santo. Minamasdan ko sila mula sa taas ng aming munting bahay, Si ima ay nakaupo sa isang bangko at mayroong batiya ng tubig sa tabi nito. Nakapikit lamang ito habang ang mga naiinip na mananampalataya ay paypay ng paypay sa init. Bata, matanda, lalaki, babae, pilay, bingi, mayaman, mahirap, sila ang mga nagbabakasakaling mapagaling ni ima. May mga bumabalik naman dito na nagpapasalamat lalo na tuwing Pasko at Mahal na Araw. Nagpasiya akong bumaba sa aming kusina at ipaghanda ng malamig na tubig si Ruben. Isa kasi siya sa mga nagpepenitensiya. Hindi ko mawari kung bakit niya iyon ginagawa, baka kabayaran sa mga kasalanang hindi ko alam. Habang nililinis ko ang jug na paglalagyan ng tubig, naririnig ko ang mga pamilyar na pagsinghap ng hangin. Senyales na nandiyan na si St. Niño at sasabayan naman iyon ng mga pagdarasal ng mga matatanda. Paglagay ko ng yelo sa loob ng jug na may tubig, nagsalita na si ima. Maliit na boses ang namutawi si kaniyang bibig. Ako na ngayon ay ang anak ni Sto. Niño. Lumabas ako sa aming tahanan at nadaanan pa ang kinakalawang na bubong ng dati naming bahay na lumubog dahil sa lahar.
"Aling Maring kayo na po ang bahala." Bulong ko sa matandang gumagabay kay ima, tumango ito. Bago ako umalis nakita ko na nanginginig si ima habang hinahaplos ang tiyan ng isang batang umiiyak.
Marami na namang tao ngayon. Pagpipiyestahan ang mga nagpepenitensiya at mga magpapapako. Naririnig ko ang mga matatandang umaawit ng pasyon sa hindi kalayuan. Umiindayog patungo sa lalaking pinipilit kong mahalin. Nasaan na kaya si Ruben? Tanong ko sa aking isip. Pinagpapawisan na ako at ang jug na dala ko. Ayun siya! Napansin ko sa hindi kalayuan. Bakas ko sa hitsura ni Ruben na pagod na siya. Tila bumuhos ang lahat ng pawis sa katawan niya at tinatangay ang sakit at dugo na dulot ng kawayang humahampas sa likod. Palapit na ako, nang…
"Mercy!" Nagulat ako sa tawag ng pamilyar na boses na matagal na ng huli kong marinig. Paglingon ko tama ang hinala ko. Ang lalaking kaisa-isa kong minahal simula pa nung bata pa kami ay palapit sa akin. Kay tagal ko siyang hinintay, huwag niyo na akong gisingin kung ito'y panaginip. Nakatingin lamang siya sa akin. Bumalik na kaya siya para sa akin? Kung kailan huli na ang lahat.
"J-Jude?!" Binasag ko ang katahimikan.
"Kumusta?" Tanong ni Jude sa akin.
Hindi maaari! Nagkagulo ang aking isipan. Kaya umiwas na lamang ako at tumingin kay Ruben. Hindi ko alam kung nakikita niya kami, sana hindi. Alam ko naman na alam ni Jude kung sino ang aking tinitignan.
"Hindi mo sinabi sa akin na kayo na pala?"Pagtatanong ni Jude. Hindi ko alam kung ano ang aking isasagot. Naglalaro na naman ang aking damdamin. Nasabik ako sa muli niyang pagbabalik ngunit alam kong hindi ako ang tinitibok ng kaniyang puso.
"Ha? Sinong may sa-"Hindi ko na alam kung ano ang gagawin. Sasabihin ko na nga…"Oo. Mag-aapat na taon na."
Napakasakit. Iyong mga salitang iyon na yata ang pinakamabigat at pinakamasakit na mga salitang aking nasabi. Apat na taon akong nagtiis. Apat na taon!
"Matagal na rin pala."Sabi ni Jude.
May sakit sa pagsagot niya. Pero hindi nga maaari ang nais niya. Alam naman niyang siya ang mahal ko noon pa, bakit ayaw niyang piliin ang daang mas mapapadali siya?
"Jude, hindi kasi maaari ang gusto mo!"Sabi ko sa kaniya, sabay talikod at lakad palayo. Sana matauhan siya na hindi nga tanggap ng lipunan ang kagustuhan niya. Sana maisip niya na hinintay ko ang kaniyang pagbabago at ako ang piliin niya. Sana maramdaman din niya na masasaktan lang siya sa gusto niyang mangyari. Nararamdaman ko ang bigat ng aking mga paa. Ayaw kong talikdan si Jude pero ito ang nararapat na gawin. Ito nga ba? Sandali. Sumusunod siya…
"Umiiwas ka ba Mercy?" Tanong ni Jude.
Umiling ako. Pero ang totoo, iniiwasan ko talaga si Jude. Ayokong makita kami ni Ruben. Pakiramdam ko kasi alam ni Ruben kung sino talaga ang gusto ko. Kinakabahan ako pero sa kabila ng lahat nais ko talagang kausapin pa siya ng matagal. Kay tagal ko ring inasam kahit na alam kong hindi magiging sa akin ang puso niya pero umaasa pa ring titibok ito para sa akin. Hinarap ko siya.
"Bakit ngayon ka pa nagbalik? Bakit ngayon pa kasi?!" Mariin kong sabi. Dapat maramdaman niya ang sakit.
"Alam mo naman kung bakit ako bumalik di ba? Iyon din ang dahilan kung bakit ako umalis at pumasok ng seminaryo." Sabi sa akin ni Jude.
"Alam ko Jude! Pero bakit ngayon pa?!" Hindi ko mapigilan ang aking nararamdaman. Nangingilid na ang aking mga luha. Alam naman ni Jude na siya ang mahal ko. Alam niya yon. Hindi ko alam kung ano na ang mangyayari."Bakit ngayon pa kung kailan hindi na puwede?"Bulong ko kasabay nang pagpatak ng aking luha. Hindi ko alam kung narinig niya. Sana narinig ni Jude.
Pinahid ko ang aking luha at naglakad. Walang kumikibo sa amin. Sumusulyap ako ng palihim kung ano ang reaksiyon niya. Nakayuko lang o kaya’y nakatingin sa malayo. Hindi namin namamalayan narating na namin ang lugar kung saan pinapako ang mga nanampalataya. Ito ay sa dating burol kung saan kami malayang naglaro noon nina Ruben at Jude. Ngayon, isa na lamang itong bunton ng lahar. Larawan ng pagsabog ng Bulkang Pinatubo ilang taon na rin ang nakalipas. Doon , lahat ng aming mga pagkatao’y nabuo. Hanggang sa isang gabi bago umalis si Jude patungong Maynila, nag-usap kami sa burol na iyon na kaming dalawa lamang. Wala si Ruben, kaya malaya kong nasabi ang matagal ko nang gustong sabihin kay Jude. Mahal ko siya simula pa noon . Pakiramdam ko tinadhana kami sa isa’t-isa. Sinabi ko sa kaniya iyon habang sariwa pa ang sugat na dinulot ng bulkan sa aming burol. Matapos kong magsalita, gulat na gulat na nakatingin sa akin si Jude. Hanggang sa ibuka na niya ang kaniyang bibig.
"Mercy, hindi kita pwedeng mahalin.Hindi ko rin maintindihan pero si Ruben ang gusto ko. Alam kong hindi ka pa handa sa mga sinasabi ko ngayon pero dapat malaman mo bago pa ako makaalis dito. Iba ako sa inyong lahat Mercy. Kaya natuwa ako ng malaman kong aalis na kami rito. Pagdating namin doon ako’y papasok sa seminaryo para makalimot at susubukan kong magbago. Baka pagbalik ko, malay natin, pari na ako o kaya’y ikaw na pala ang mahal ko." Sabi ni Jude.
"J-Jude?"Ang mga luha ko ay naging bituin sa lupa. "Maghihintay ako sa iyo. Alam kong titibok din ng tama ang puso mo."
"Salamat Mercy. Huwag mo sanang sabihin kay Ruben ang lahat. Ayokong may magbago. Ayokong layuan niya ako." Nangingilid ang mga luha ni Jude.
Pansamantala kaming natahimik. Minamasdan ang mga bituin sa kalangitan at pansamantala ring nakalimutan ang ginawa ng bulkan. Bigla niya akong niyakap! Sa oras na iyon tila namulat ang aking mata. Nakita ko ang mga bahayan na bubong na lang ang nakikita, ang mga punong wala na at ang kadiliman na hindi pangkaraniwan.
"Hihintayin kita Jude. Sana pagbalik mo ako na ang binubulong ng puso mo." Noong gabing iyon, nasaksihan ng mga bituin ang aming malungkot na pamamaalam. Sa burol kung saan kami binuklod. Sa burol kung saan nabuo ang aming mga pangarap. Sa burol kung saan kami naghiwalay.
Bigla akong nagising sa pagmumuni-muni nang marinig ang impit ng isang nagpapapako. Sinundan pa iyon ng mga pagpukpok ng martilyo at iilan pang daing. Nakita ko si Jude. Napatingin siya sa mga nagpapapako. Kung alam lang kasi niya ang tunay na nararamdaman ko. Hindi ko tuloy naiwasang bumulong. "Hanggang ngayon... ikaw pa rin." Hindi ko alam kung kaniyang narinig. Matapos noon ay tila umingay muli ang lahat at tila mas lumakas pa ang mga pagpalo sa likod ng mga nagpepenitensiya. Itinaas na ang tatlong matatapang, minamasdan ng mga taong naduduwag harapin ang kanilang mga kasalanan.
III. Bayad Kasalanan
Pang-apat na taon ko na ito. Pang-apat na taong hinahayaang saktan ang sarili. Panata ko na kasi ito tuwing Mahal na Araw. Panatang alam kong magtutuloy-tuloy pa sa mga susunod pang mga taon. Ramdam ko na ang lapnos kong mga paa at tila namanhid na rin ako sa mga kawayang lumalatay sa aking likod. Ang init ng araw ay nakadadagdag sa aking paghihirap. Kaya ko namang tiisin dahil may mas masakit pa na sumusugat sa akin.
Sabi nila kapag nagpepenitensiya ka binabayaran mo ang mga kasalanan mo rito sa lupa. Ginagawa raw ito ng mga makasalanan. Kaya nagulat si Mercy noong unang taon ng aming pagmamahalan ng nagpasiya akong gawin ito.
"Bakit ba kailangan mong gawin iyan Ruben?" Tanong ni Mercy habang inaayos ang iinuman kong jug.
"Dahil mahal kita." Sagot ko.
Natigil siya sa paggawa. "Kasalanan bang mahalin ako?"
Tinignan ko si Mercy at ngumiti. "Kasalanan na hindi ka mahalin."
Tumingin lang siya sa akin at pinagpatuloy ang ginagawa.
Hanggang ngayon hindi pa rin batid ni Mercy ang tunay na dahilan kung bakit ko ginagawa ang pagsasakrapisyo kong ito. Totoo, ginagawa ko ito dahil mahal ko siya. Hindi ako titigil hanggang sa hindi rin niya ako mahalin. Siguro nga ako na ang pinakamasayang tao noong napasagot ko si Mercy. Pero sa kabila noon , alam ko kung sino ang tunay niyang gustong sabihan ng "oo". Magpepenitensiya ako hanggang sa matutunan niya akong mahalin. Maghahampas ako ng likod hanggang sa makalimutan niya ang pagtingin kay Jude. Hindi nila alam naroroon lang ako sa hindi kalayuan habang nag-uusap sila sa burol. Ang burol kung saan nasaksihan ang aming paglaki. Hindi ko man naririnig ang kanilang pag-uusap, naramdaman ko naman ito. Biglang pumatak ang luha ko noon dahil alam kong ang mahal kong si Mercy ay hindi ako ang gusto. Malayo man ako, gumuguhit sa akin ang damdamin. Malayo man ako, alam kong ako’y bigo.
Ngayon sa bawat hakbang ko at bawat sakit na dulot ng paglatay sa aking likod, iyon ang mga araw na alam kong pilit lang ang kasiyahan ni Mercy sa piling ko. Sa bawat kirot na nararamdaman ko ngayon ay ang mga panahong ibang pangalan ang kaniyang hanap. Sa mga dugong tumatalamsik sa nabahiran ng lahar na kalsada ay ang bawat patak ng kaniyang luha dahil alam niyang ang kayakap niya ay hindi ang mahal. Sana matutunan ni Mercy na ako’y mahalin. Maghihintay ako sa araw na iyon. Sana ito na ang huling taon ng aking pagpepenitensiya. Sana . Biglang may nahagip ako sa aking paningin. Hindi ako makapaniwala! Nakatingin si Mercy sa akin dala ang isang malamig na jug at si Jude! Tama si Jude ay nakatingin din sa akin! Kumabog ang aking dibdib at bumilis ang aking paghampas sa aking likod! Tuluyan na akong namanhid. Maya-maya pa’y nagmadali silang umalis. Tila nauulit na naman. Hindi ko man batid ang sinasabi nila umuukit naman sa aking puso ang lahat. Hindi ito maaari. Hindi ko inaasahan si Jude sa kaniyang pagbabalik. Nagbalik yata siya para kay Mercy.
Sinusundan ko sila at hindi nila iyon alam. Minsan nangunguna ako sa pila ng mga nagpepenitensiya para lang hindi sila mawala sa aking paningin. Hindi nagtagal sila’y huminto. Napagtanto ko kung saan iyon, sa burol kung saan binuo namin ang mga ala-ala ng kabataan. Sa bawat hampas ko ng kawayan sa aking likod unti-unting sumasariwa sa akin ang gabing iyon. Ang huling gabing nakita ko si Jude at ang gabing nalaman ko na bigo na ako. Kinabukasan matapos ang gabing iyon, naisipan kong maglakad-lakad sa burol. Makikita pa ang bakas ng pananalakay ng lahar. Naghihintay ng kasagutan sa lahat. Sana magsalita ang lupa tungkol sa napag-usapan nilang dalawa.
"Wala na si Jude." Hindi ko namalayang naroon na pala si Mercy.
"Alam ko." Sabi ko.
"Paano?" Pagtataka ni Mercy.
"Naramdaman ko lang." Sagot ko at hindi ko na rin siya tinanong tungkol sa pagkikita nila. Hindi na lang kumibo si Mercy at sumabay sa paglakad sa akin. Parehas kaming naiyak dahil alam naming maaaring hindi na namin makita pa ang kaibigang si Jude. Pero sa kabila ng lahat, may nagtatagong ngiti sa loob ko na tila nagsasabing si Mercy ay sadyang akin lamang.
Isang pista, naisipan naming pumunta ni Mercy sa burol. Habang tumutugtog ang banda sa di kalayuan sa dulo ng prusisyon, umupo kami sa dating luntiang burol at inalala ang kaibigan.
"Sayang wala si Jude masaya pa naman."Sabi ni Mercy."Mahal ka nun."
"Oo.Mahal ka rin niya. Mahal mo ba siya?" Sabi ko naman.
"Syempre. Mahal na mahal." Aniya.
"Alam mo mahal din kita. Mahal na mahal." Sabi ko. Napatitig lang si Mercy sa akin. Simula noon binibigyan ko na siya ng ilang-ilang o santan o dili kaya’y sinasabayan sa pag-uwi.
Minamasdan ko silang dalawa sa di kalayuan. Pakiramdam ko pinapako rin ako habang bumabagsak ang martilyo sa pako at naririnig ang maimpit na daing. Naninikip ang aking dibdib. Parang hindi ko na kayang ihampas pa ang kawayan sa likod ko. Parang hindi ko na kayang kumilos. Matapos i-angat ang mga pinako, tila muling umikot ang mundo. Sa hindi mawaring kadahilanan, namuhi ako sa pagbabalik ni Jude at biglang hinampas ng malakas ang kawayan sa aking likuran. Ang dugo ay pumulandit kasabay ng aking mahinang pagtangis.
IV. Biyernes Santo
Sa burol muling pinagtagpo-tagpo ang tatlong magkakaibigan. Hindi nila alam na silang tatlo pala ay pinagbuklod na noong araw na iyon, isang Biyerrnes Santo.
"A-anong sinabi mo?" Sabi ni Jude kay Mercy. Nagulat ang babae at tumingin lang dito. "Narinig ko ang sinabi mo!"
"Wala!" Mabilis na sagot ni Mercy sabay iwas at nagtangkang umalis. Hinablot siya ni Jude sa braso.
"Kung mahal mo ako bakit naging kayo ni Ruben." Matigas na sabi ni Jude.
"Bakit ba kasi ngayon ka lang bumalik?!" Muling umiyak si Mercy. "Ikaw ang mahal ko at hinintay kita! Sana bumalik ka na lang dito ng naka-abito!"
"Ako nga ang mahal mo pero alam mo kung sino ang gusto ko! Kung talagang mahal mo ako bakit mo ako sinasaktan ng ganito?" Mahina pero mariin na sabi ni Jude. Nagpumiglas si Mercy at binuksan ang jug. Binuhos niya ang malamig na tubig kay Jude.
"Magising ka nga Jude! Kilabutan ka! Ilang lalaki na kaya ang nababoy mo sa seminaryo?" Sabay alis ni Mercy at tumakbong luhaan.
Nagulat si Jude sa nangyari at naramdamang kumapit sa kaniya ang lamig. Matapos matauhan hinabol niya si Mercy. Kitang-kita ni Ruben ang lahat kaya nagmadali rin itong humabol. Mangilang-ngilang tao rin ang nabaling sa kanila ang atensiyon.
Ang pagtakbo ni Mercy ay napalitan ng mabilis na paglakad nang marating niya ang kanilang silong. Si Sto. Niño ay patuloy pa ring nanggagamot. Isang sanggol ang umiiyak kasabay ang iilang bata roon. Ginanagamot nito ang isang batang may sapi raw at nagwawala. Dali-daling pumunta si Mercy sa bahay. Nang akmang isasara na niya ang pinto, pinilit itong buksan ni Jude. Pinapasok na rin ni Mercy.
"Bakit ba ganito Mercy? Bumalik ako dahil kay Ruben. Sana matanggap mo iyon." Maluha-luha na si Jude.
"Pero umasa akong babalik ka para sa akin." Sabi ni Mercy. Umiiyak ito at nakasandal sa lababo nila.
"Ano ba ang gusto mo para ibigay si Ruben sa akin?"Lumapit si Jude kay Mercy. Medyo napaurong si Mercy at dumiin pa lalo sa lababo. "Ako ba? Ako ba Mercy?"
Lumalapat na ang mga labi ni Jude sa leeg ni Mercy. Hindi alam ni Mercy ang gagawin kaya tinulak niya ito!
"Huwag Jude!" May sakit sa boses ni Mercy. Napa-upo si Jude sa maalikabok na sahig tanda ng maraming naglalabas-pasok doon. Tatakbo na sana si Mercy kaso nahuli siya ni Jude. Mahigpit ang pagkakayakap nito kay Mercy at sinandal sa lamesa.
"Alam kong matagal mo akong inasam Mercy! Ibalik mo siya sa akin!" Nakakatakot na si Jude. Kasabay noon ang tunog ng napupunit na damit at mahihinang hikbi. Tumaas-baba ang katawan ni Jude tila umiindayog sa matataas na boses ng mga kumakanta ng pasiyon. Umiiyak lamang si Mercy. Iyak ng bata ang namayani sa silong at ang mga maliliit na salita ni Sto. Niño. Bawat ulos ni Jude ay tila sumasabay ang sigaw ng batang sinasapian at nagiging sintunado ang pasiyon. Biglang bumukas ang pinto ng kusina, tila lahat ng galit sa mundo ay natawag sa puntong iyon.
"Hindiiii!" Nagdilim ang paningin ni Ruben at walang humpay na pinaghahampas ang hubad na katawan ni Jude ng kawayang sumugat din sa kaniyang likod. Unti-unting pinipintahan ng pula ang paligid. Hindi tinigilan ni Ruben ang paghampas. Makikita sa mata ni Jude ang pananabik na makita si Ruben. Si Mercy ay humihikbi at nakahiga sa lamesa, nakatulala lamang ito. Hinahaplos ang katawang nagamit ng mahal niya. Bawat haplos ay may ngiti sa labi na unti-unting napalitan ng halakhak na tila matagal ng gustong ilabas. Pumikit si Jude na si Ruben ang huling nakita. Sa kaniyang pag-pikit, kumalembang ang kampana ng simbahan sa di kalayuan. Patay na si Kristo. Kasabay noon ang pagtahan ng batang umiiktad kanina lamang. Patuloy ang pagkalembang. Patuloy ang pag-o-orasyon ni Sto. Niño. Patuloy ang kaligayahan sa bawat tawa ni Mercy. Sa isang sulok, si Ruben ay nakatitig sa walang malay niyang kaibigan. Kinulayan ni Ruben ang paligid ng pula. Si Jude ang tumupad ng kaniyang obra-maestra.
"Hindi ko sinasadya! Hindi ko sinasadya!"Paulit-ulit niyang sabi habang nakahiga pa rin sa lamesa si Mercy at tumatawa. "Hindi ko talaga sinasadya…"
Hindi siya makapagdasal dahil wala na ang Diyos noong oras na iyon. Ang pasiyon ng mga matatanda ay naging sintunado at mataas, samantalang mga nagpepenitensiya ay lalong kinulayan ng pula ang daan ngunit hindi pa rin mapantayan ang pulang ginawa ni Ruben. Sa gitna ng tag-init ay isang ulan, isang kasalanan na pag-ibig ang dahilan at tila pagbabayaran hanggang sa huling libingan. Isang pag-ibig na pinako sa krus at isang pag-ibig na masakit man tanggapin, ay hindi hinayaang maging luntian ang burol na ngayon ay balot na sa abo at dating salamin ng mga musmos na hindi alam kung ano ang salitang pag-ibig dahil laro at pangarap lang ang nalalaman. Huli na nang humingi ng tulong sa Kaniya. Huli na. Kumakalembang pa rin ang simbahan, tila nagdadalamhati sa isang kamatayan.
salamat sa pagbabasa at tinapos mo ang kanilang masalimuot na kuwento. sana'y nagustuhan mo.
all rights reserved
OMG! Ang haba nito ha! Mas mahaba pa sa India Arie ng Arabong naka jug ko. Chos!
ReplyDeletekorek ka lyka..
ReplyDeletegain ate watch out ka sa mga pirata!
hahaha oo nga eh ate LYKA pero may warning naman eh. hehe.
ReplyDeletenakakatakot nga ate JHEY