Showing posts with label katha. Show all posts
Showing posts with label katha. Show all posts

Monday, July 14, 2014

rags to riches

nakatingin ang lahat sa taxi. may pagtataka.
sino naman ang magtataxi dito? 
basa ang tanong na iyan sa kanilang mga mata.

tabi-tabi ang mga bahayan. masikip. maingay.
puno ng batang walang pang itaas na suot ang naglalaro sa gitna ng basketball court.
gabi na. ilang oras ding naghintay sa tindahan, nagtanong.

may kabog sa dibdib.
pwede kang magripuhan sa lugar na ito. 
o manakawan. halatang dayo. 
...hindi matigil ang mga panghuhusga sa isip...
kung nagyoyosi lang sana...

ilang beses naghintay sa telepono.
mumurahin lang pero may takot pa ring mahablot ito.
san ka ba? walang sumasagot kahit subukang tawagan.
lapit sa maliit na gate sa likod ng basketball court. 
sabit sa text.

lalagpasan ang mga maraming tao. marurungis na bata. chismosang kapitbahay.
bakit ko ba pinasok ito? mga tanong ng pagdududa.
panunumbat sa sarili. wala nang atrasan.

ang pagsisisi ay tunay ngang nasa huli.

squatter

patong patong ang mga apartment. 
pero natabunan na ng lahar ang mga mas lumang nitso. 
matagal pa ulit ang araw ng mga patay kaya matataas ang mga damo at talahib na nakausli sa mga singit-singit ng mga musoleo. 

naglalakad at dinig na dinig ang lutong ng mga patay na dahon sa paanan. 
tahimik din naman kasi ang buong paligid.
parang horror movie. 
or sa suspense.
unang namamatay/pinapatay ang mga magdyowang nagsesex. 

hindi alintana ang init ng tag-araw. kamamatay at kabubuhay lang ni kristo.
napagod. umupo sa pinaka dulo kung saan walang mga makakakita kung hindi ang mga kaluluwang hindi naman nakikita. patuloy ang pagpapawis, hindi sa pagdidikit ng katawan pero dahil sa tindi ng araw. 

ang alamat ng iyong pagbibinata at pagdadalaga ay nabuo na. 
may mahal lang babae at gusto mo ng pamilya sa hinaharap. 
pero may tawag din ng laman sa iyong kapwa lalaki. 

wala pa sa kalahating araw ang pagsasama, wala ka nang sikretong maitatago pa.
sa katahimikan ng kinalakhang nayon, nabuhay ang lahat ng patay sa iyong rebelasyon...
si kuya at dikong ang unang nakatikim sa iyong katawang musmos.

sementeryo


mabilis ang pag-uusap. gaya ng teknolohiya ngayon, wala nang patumpik tumpik pa. 
mabilis lang din sana pero napigilan dahil walang lugar na pagdadausan sana ng kasalanan.
pero naroon na. gawan na lang siguro ng paraan. 

hindi pwede sa itaas?
hindi.
bakit?
mahigpit. bawat floor may guard. 
sa room mo?
may security din.
bakit masyadong mahigpit naman dito?
anak kasi ng mga pulitiko ang nandito.

hanggang sa unti-unti, alam ko na ang iyong pagkatao. 
isa ka sa kanila. 
makapangyarihan. mapera. 
kung mahuli man, kaya mong lusutan at walang kukuda.

pero mas naengganyo ako sa iyong kuwento. ang mundong iniikutan mo, malayo sa daigdig ko.
ang kaya mong bilhin. ang pangarap mong maging kagaya ng iyong pamilya. ang ibang pagtingin sa mga bagay. lahat nang hindi ko kaya. kaya mo nga sigurong bilhin pati na ang aking kaluluwa.

nakalimutan na nga natin ang ating pakay. para tayong magkaibigang matagal na hindi nagkita. 
ang daming naglaro sa isip ko. mga tanong na gusto kong tanungin sa mga taong kagaya mo. mga tanong na hindi dapat tanungin. 

pero naisip ko ang kaya mong gawin. 
sa totoo lang natakot ako. 

baka nga ngayon binabasa mo na'to. 

hanggang ngayon namamangha pa rin ako. 
parang hindi ka totoo kasi nung nag-usap tayo, tila tumawid ako sa ibang mundo.
...pero sa mundong iyon, pisante pa rin ako.

dorm

#meetupdiaries







Tuesday, June 24, 2014

give yourself goosebumps*

a. 

guilty.

nakaposas na lumalabas mula sa lumang gusali ng bulwagan ng katarungan sina estrada, revilla at ponce-enrile kasama sina napoles at iba pang sangkot sa pork barrel scam. maaaring napinturahan sana ito o hindi sana tumatagas mula sa kisame ang tubig na galing sa ulan kung nagamit sana ang kanilang mga ninakaw. wala silang pakialam. taas noo silang nakatingin sa mga camera ng press, may mga ngising sumasalubong sa bawat flash at bawat giling ng camera, mga ngising tila sila pa ang mga biktima ng bulag na hustisya. wala silang hiya, ang kakapalan ng mga mukha ay wala na sa kanilang bokabularyo na tila bahagi na ng mga salitang latin na simbahan na lang binibigkas. 

tinaas ng tatlong senador ang kanilang mga kamay na nakaposas, animo'y mga nagsipagwagi sa kanilang mga laban. alam nilang sila raw ay hinusgahan lamang at pinintahang may sala ng media. pinaninindigan nilang sila'y mga inosenteng tupa sa mga nagiinterbyung reporter. 

umiiyak naman ang kanilang mga supporter. umuusal ng mga dasal, naghihintay sa diyos na siya ang magtatakda ng totoong hustisyang pinagkait sa mga santong pulitikong napulitika lamang sa kanilang mga mata. nakaharang sa kanila ang mga pulis, nais nilang makalapit kina estrada, revilla at ponce-enrile, makayakap man lang. makisimpatya. para sa mga ito, wala silang kasalanan, nakakuyom ang kanilang mga kamay na puno ng kalyo dahil sa paghahanap buhay. 

pinapasok isa-isa ang mga mandarambong sa police car na naghihintay sa labas ng bulwagan. masikip sa kapal ng tao ang kanilang dadaanan. 

naghihintay na sa kanila ang kanilang mga malalamig na rehas. 

b.

naghahanda si bong. hindi siya mapakali sa harapan ng salamin. 
inaayos ng kaniyang asawang si lani ang kuwelyo ng kaniyang barong tagalog.
siya'y napangiti. 

sa wakas, natupad na nila ang kanilang mga pangarap. 
sa totoo lang hindi nila ito inasahan. 
hindi nga ba't ilang beses na rin naman napatunayan na ang mga pilipino ay may amnesia.
tila walang nangyari.

sumakay si bong sa itim na mercedez benz, handa na siyang ihatid sa quirino grandstand,
manunumpa na siya bilang ika-16th pangulo ng bansa... 

c. 

malakas ang ulan ngunit pinagpapawisan siya sa kaniyang matigas na higaan. 
tak. tak. tak. tak. tak. tak.

parang ratatat ng baril ang bagsak ng ulan sa kaniyang bintana.
hindi siya makatulog, hindi dahil sa kunsensiya dahil wala naman siya nun kundi dahil sa tigas ng kaniyang higaan. 

hindi na siya sanay matulog sa manipis na kutson. 
hindi na rin siya sanay matulog sa kuwartong walang aircon.

hinahanap hanap ng kaniyang katawan ang karangyaan.
"mga tarantado. hinayaan nila akong mabulok dito e ako naman ang nagpayaman sa kanilang lahat. mga putang inang walang utang na loob!" reklamo niya sa kaniyang sarili.

tak. tak. tak. tak. tak. 
tila makulit na stalker ang ulan na kumakatok sa kaniyang bintana. 

"tang ina. pag hindi sila gumawa ng paraan... ilalaglag ko sila... sama-sama kaming masisira!"
hindi makatulog ang kaniyang utak, hindi matanggap na siya lang ang sumasalo ng lahat ng kanilang mga kasalanan. 

paikot ikot siya sa matigas na kama, nag-iisip kung paano sila ilalaglag isa-isa o kung anong sakit ang kaniyang huhugutin para makalabas sa impiyernong lunggang kumukulong sa kaniya.

napabuntong hininga at nauhaw, tumayo siyang namumuo pa ang pawis sa kaniyang noo.

tak. tak. tak. tak.
humalo sa ulan ang putok ng baril.

nagkulay dugo ang pader. 
dilat siyang humandusay sa malamig na sahig. 

d. 

nanginginig ang tuhod niya habang nakasiksik siya sa gilid ng kaniyang tinatawag na selda pero kung tutuusin isang maayos na dorm na iyon para sa isang estudyanteng nagtitipid na makahanap ng mauupahan sa u-belt. sabi nga ng mga kritiko, mas okay pa ang kaniyang kinalalagyan kumpara sa mga bunkhouses ng mga nasalanta ng bagyo noong nakaraang taon.

hindi siya makagalaw sa sulok. naglalaban ang dagang kasing laki ng kaniyang machong braso para mabuhat ang kaniyang magandang leading lady at isang ipis na ga-hita niya ang lapad para makandong ang kaniyang mga huthuterang querida. 

marahas ang laban, upakan ng daga at ipis. sinagpang ng daga ang pakpak ng ipis noong magtangka itong lumipad. napunit ito at siya'y bumagsak. ito naman ang kinuhang pagkakataon ng daga para kagatin ang ulo ng kalaban. madiin. may bangis. naghiwalay ang ulo ng ipis mula sa kaniyang kumikisay kisay na katawan. 

tumingin ang mapulang mata ng daga sa kaniya. mas lalo siyang nanghilakbot at mas lalong pinagsiksikan ang katawan sa madilim na sulok. 

tumalon ito patungo sa kaniya.
siya'y napasigaw, para siyang nasa horror film na paniguradong ilalahok niya sa mmff. 

walang nagawa ang kaniyang pagiging action star. 
pinagkakagat siya ng daga. 

nabingi ang lahat ng mga nagbabantay sa kaniyang nagmamakaawang sigaw.
ni isa, walang nagbigay ng tulong.

e.

tanda man ang binansag sa kaniya, hinding hindi siya mamamatay. 
dahil balak niyang ibenta ang kaniyang kaluluwa sa demonyo.

ngunit pagbaba niya sa impyerno, siya'y nadismaya, mukha nga namang tanga kung babayaran niya ang kaniyang sarili. 

*base ang title na give yourself goosebumps na kinahiligan ko noong bata ako na pwede kang mamili kung saan tutungo ang kuwento at kung paano ito mag-eend.


Tuesday, February 25, 2014

ang huling tatlong minuto ni macario ortiz *


Sabi nila kapag malapit ka nang mamatay sasariwain daw ng utak mo ang lahat ng iyong mga alaala mula pagkabata pero ako ayoko sana sino ba naman kasi ang magkakagusto na bago pa mamatay ay mga problema at mapapait na alaala pa ang huling gunita kaya pinipigilan ko ang utak ko na ipaalala sa akin ang mga ito kaso wala naman akong magawa kahit anong pilit ko kahit anong pikit ko tila pelikulang nagsusumingit sa akin ang lahat ng mga ito simula pa noong bata ako  na nagpatuli ako high school at pinagtatawanan ako ng mga kababata ko dahil binatang supot daw ako ang kaso kamo ano nga namang magagawa ko e mahirap lang kami at noon lang nagkaroon ng libre tuli sa bayan uunahin ko pa ba ang burat ko kaysa sa pangangailangan ng aking mga kapatid kaya nilunok ko ang lahat e ano naman wala silang pakialam basta dapat unahin ang kalam ng tiyan kaysa  ang pagkawala ng kupal e kaso kahit anong sakripisyo ko at paghihigpit ng sinturon hindi pa rin nakatapos ang aking mga kapatid na babae dalawa sa kanila nag-asawa ng maaaga at sabi nga ng ama hindi naman daw kailangan ng diploma ng mga kapatid ko dahil aasawahin lang sila totoo nga naman wala pang disiotso ang pangalawa namin buntis na ang bunso ganun din kaya mas lalo kaming nasadlak sa kahirapan dahil pati mga anak nila samin umaasa e anong mapapakain ni ama barya lang kinikita nun sa pangongopra hayun ako hindi na nga tinapos ang high school at lumuwas dito sa Maynila na puro kaputang inahan naman ang sinapit ng buhay ko lintek sa mga taong nagsabing madali ditong umasenso at matutupad daw ang mga pangarap dito siguro sa mga may pinag-aralan pero para saming mga kapos sa edukasyon wala kaming mapapala kundi maging taga-linis at utusan lang mga bwakang ina akala mo kung sino makapag-ingles lang akala mo ang tali-talino umaastang Kano sabi ng asawa ko magtiis daw kami para kay Junior na kakasilang lang at nabaon pa kami sa utang e kahit anong tiis at pagsusumikap ko sa putang inang lungsod na ito kulang pa kung anu-ano na ang pinasok ko at kung anu-ano na ang ginawa kong trabaho sa gasolinahan sa Jollibee maging guwardya magkargador magtinda ng balot at heto na ngang maging janitor hindi naman ako yumayaman kundi pinupulitika sa trabaho kakarampot ang sahod dapat magpadala pa kina ama pag napaso ang kontrata palit agad siguro ang magandang nangyari lang sa'kin dito ay yung nakilala ko ang asawa kong si Marissa na saleslady sa SM na hindi naman niya ako mapasok dahil dapat tapos ng high school tapos wala na puro kamalasan na lang ano bang kasalanan ko ako naman itong nagsusumikap pero putang ina ang mga bwakaw na pulitikong yan bida nang bida na lumalago na raw ang ekonomiya pero heto ako ngayon kakasisante lang sa trabaho dahil late daw ako e kasalanan ko ba kung barado lahat ng kanal dito sa Metro Manila at konting ulan lang lubog na sa baha at kailangan ko nang magbangka kasalanan ko ba yun lintik namang buhay to kasalanan ko bang mastranded sa baha na kung hindi ninakaw ng mga gagong senador yan ang pera baka hindi na tayo binabaha at hindi na tayo nagdadasal sa lahat ng santo kapag may ulan at hindi na tumatanga sa EDSA ng matagal dahil sa buhol buhol na trapik aasa pa ba ako sa kanila wala na akong malapitan trabaho ko na lang ang meron ako pero pinagkait pa sakin pano ko mapapakain si Junior ang asawa ko na buntis na naman may mahahanap pa ba akong trabaho e ang dami ng kaagaw ko yung iba nga may diploma tapos wala rin naman silang napapala makakasingit pa ba ako sa mga yun san na lang ako pupulutin kahit pumasok ako sa ibang trabaho uulit at uulit na naman ito baka kapag binawasan ko ang papakainin ng pamilya ko mas guminhawa pa ang buhay nila at hindi na ako maging pabigat dahil ilang buwan o baka umabot pa ng taon ang paghahanap ko ng trabaho putsang buhay to o paano na mangholdap na lang kaya ako magnakaw  o manarantado tutal tinatarantado rin naman kami ng mga ganid na mga senador na yan wala na talagang pag-asa wala na mahal kita Marissa at mahal din kita Junior sana wag kang gagaya sa tatay mo na tatanga tanga at mas pinili na lang humalik sa  ----

Nagkalat ang utak ni Macario sa kongkretong kalsada ng EDSA na katutuyo lang sa nagdaang ulan.

 *o depende sa bilis ng iyong pagbabasa





Thursday, November 7, 2013

im... im... impiyerno

isa sa mga naging fave kong readings nung college sa literature class namin ay ang classic na gawa ni dante alighieri na inferno. unfortunately, hindi magaling ang naging prof namin sa class na yun. haha hindi ko rin tuloy tinapos ang buong ganap pero inaral naman namin yung summary niya. hanggang ngayon isa ito sa mga literary classics na hindi ko pa nababasa ng buo pero peyborit ko na dahil sa tema. so naisip ko lang out of boredom habang nagcocommute papuntang magallanes ang post na ito... what if sa modern world ito nakaset?

so samahan natin si kalansay (si dante rin kasi bumida sa likha niya. epal. self-centered masyado. charot. haha) sa kaniyang paglalakbay patungo sa kaibuturan ng impyerno... (babala medyo mahaba kung bored basa na lang ng iba. lol)

naglalayag sa gitna ng madumi at mabahong pasig river si kalansay kasama ang isang taong grasa na maghahatid sa kaniya sa pintuan ng impyerno. galing lang siya sa malawak na luneta na puno ng mga naglalarong batang walang mukha. iyon daw ang purgatoryo... kung saan kita mo ang mga pokpok na naghihintay ng customer at ang mga bulaang propeta na umaasang may makinig sa kanilang mga gawa-gawang propesiya...

"baba. pupunta punta dito hindi pa naman patay. atat ka bang bata ka?!" sabi ng masungit na taong grasa. ano ba yan. madumi na nga ang panlabas na anyo, madumi pa ang ugali. sabi naman ni kalansay sa sarili. "narinig ko yun baklang echosera!" bulyaw nito.

"ay sorry naman. stop invading my privacy." dali-daling bumaba si kalansay. may pandidiring tumapak sa gabundok na basura. lumubog ang kaniyang paa. nakasusulasok ang amoy.

"welcome to hell!" taray. yan ang sabi ng taong grasang inglisero.

first circle. (limbo)

dito raw napupunta ang mga taong hindi ba nabibinyagan (so pati mga virgin. chos) at atheists. isa lang siyang malawak na tambakan ng basura. may mga mmda lang na laging nakabantay sa mga kaluluwa na walang ginawa kung hindi magtapon ng basura pero lagi silang nasisita. tas pupulutin ulit tas itatapon ulit. paulit ulit. boring. sabi ni kalansay. so may i gora na siya sa next circle.

second circle. (lust)

nagulat siya dahil bumukas ang pinto ng tren. mrt. jusko pati ba naman sa impyerno rush hour? reklamo ni kalansay sa isip niya. hanggang sa lumabas sila sa tunnel. sa liwanag mula sa labas, hubo't-hubad pala ang mga kasama niyang pasahero tila nasa perpetual orgy pero imbis na ecstasy ang nakapinta sa kanilang mga mukha ay agony dahil kada tigil sa ibang station, dagdag lang ng dagdag ng pasahero in all shapes and sizes. para silang sardinas na pinagpipilitang ipasok sa isang maliit na lata. buti na lang buhay si kalansay kaya hindi niya nararamdaman ang pasakit. yun daw ang parusa sa mga malilibog. tutal gusto nilang madikit sa mga katawan, ayan, sinumpa sila sa isang habang buhay na rush hour sa loob ng mrt.

third circle. (gluttony)

lumabas si kalansay sa isang madilim na station. kaunting lakad lang nasa loob na siya ng isang food court. sm ang peg. nakikita niya na may mga nakapila sa iba't-ibang stalls. no big deal. pero paglapit niya nakatanghod ang mga patpating kaluluwa. bakas ang gutom sa kanilang mga mata. sa mga stalls ng pagkain, nakaserve ang pinakapaborito nilang mga putahe. abot kamay pero hindi dumadampi sa kanilang bibig. at sa dulo ng pila, may pinagkakaguluhan ang mga demonyo. nakisingit naman si kalansay. pinagsisihan niya ang kaniyang ginawa dahil nasaksihan niya na pinagsasabong ang dalawang kaluluwa at ang matalo ay kakainin ng nanalo pero kahit na ilang beses kumain, hinding hindi sila mabubusog. nandiri si bakla kaya may i takbo siya sa elevator...

fourth circle (greed)

nasa second floor siya ng mall. ayala mall ang look. very elegant. ito na ang pinakamaliwanag na lugar na nakita ni kalansay. wala siyang makitang kaluluwa rito. puro designer brands. luxurious ang place. mga high end items ang nasa display. sobrang tahimik. shala naman dito. paglapit ni kalansay sa isang designer pants, naloka siya dahil made in human skin ang pantalon. kaloka may buhok pa. ito ang mga kaluluwa ng mga taong greedy. sa sobrang pangangamkam ng mga bagay, naging material na bagay din sila.

fifth circle (sloth and vanity)

nakapasok si kalansay sa isang room. ang daming gadgets. parang power mac center. may mga bukas na laptop at mac. may mga ipad at iphones ding nakakalat sa puting puting estante. pagsilip ni kalansay nakita niya ang iba't-ibang social network accounts. may fb at instagram. puro selfie. yung iba walang like. yung iba punong-puno ng likes at nadadagdagan kapag kusang nagrerefresh ang page. nagtaka siya kung anong point nun. pagsilip niya sa isang ala aquarium na room, nandun yung mga kaluluwang may selfie. yung mga walang like ay ang mga vain na habang buhay magdudusa na walang naglalike sa mga pictures nila at yung mga tamad naman ay yung mga pics na may maraming like (dahil ang mga taong puro selfie ay parang walang ibang ginagawa. sabi yan nung masungit na taong grasa na laging busy) at kada like ay body pain ang babalot sa kanila. levels nung sakit na nararanasan ng mga kumakakayod kabayo sa araw araw at hindi nakakapag-alaxan.

sixth circle (wrath) 

sa next floor, isang game centre. mukhang time zone. mangay dahil sa tunog ng games na nilalaro ng mga kaluluwa. pero nang tignan itong malapitan ni kalansay, sila sila na rin pala ang pawn ng kanilang mga game. dahil ang taong galit ay dapat matutong magchill at magrelax at ilabas ang nagbabagang poot... sa isa't-isa.

seventh circle (envy)

 bongga! hirit ni kalansay sa sarili dahil nasa salon siya. inisip niya na sa pinagdaanan niyang stress kinailangan niyang magretouch. kaso pagpasok niya sa loob mismo ng salon halos mabingi siya sa sigawan ng mga taong animo'y baliw na nakastraight jacket. nakaupo sila sa salon chair at infair may pampering. may hot oil treatment. may mga nagmamani-pedi sa kanila. pero pagtingin ni kalansay sa salamin, doon niya nakita na ang nakikita pala nilang reflection ay ang taong kinaiinggitan nila na tila perfect ang buhay at ang mga bagay na wala sila. tsk tsk. nakakabaliw nga naman. atleast not so morbid, napaside comment na lang si kalansay.

last circle. quezon memorial circle (pride)

nagulat si kalansay dahil nasa circle na siya. pero extra beautiful dahil mas malinis. mas green. mas fresh ang hangin. sa hindi kalayuan, may nakita siyang grupo ng mga nagjajogging while chanting. habang papalapit ang mga ito napagtanto niyang lahat sila ay nakayuko at may mabibigat na kadenang bakal na nagpupush sa kanila para tumungo. forced humility. at dahil mas malapit na sila, dinig na dinig na niya ang kanilang chinachant... "im sorry" ng paulit ulit.

hindi ko na bet. ang depressing. sabi na lang ni kalansay. ura-urada dumating si taong grasa at hinawakan siya.

sa isang iglap, nasa swing na si kalansay ng isang lumang playground sa loob ng quezon memorial circle. malamig ang hangin ng disyembre. may mga nagjojogging habang nakikinig na sa kanilang mga ipods talking about mundane stuff. may taong grasang namamalimos sa kaniya. umiling lang si kalansay at nagpatuloy sa pagswiswing habang naririnig ang mga batang naglalaro...

"im.. im... impyerno... saksak puso tulo ang dugo...
patay... buhay... umalis ka na diyan..."

nangungulit pa rin si taong grasa.

nine ang circles sa totoong inferno. eh masyado ng mahaba. napagod na raw si kalansay. chos. 


Wednesday, October 9, 2013

twitterati


            Sa mundo ng twitter kailangan mong masabi ang gusto mong sabihin sa 140 characters. At sa mundong ito, pinagsisigawan ng lahat ng tao ang mga bagay patungkol sa kanilang sarili o sa kanilang mundong ginagalawan. Mula sa pinakamalalaking impormasyon na maaaring lumikha ng balita hanggang sa pinakamaliliit na bagay na kung tutuusin wala namang pakialam ang makababasa pero karamihan ay umiinog ang sandamukal ng tweet sa mga walang katorya-toryang bagay (guilty!). Ano nga bang pakialam ng follower mo kung naliligo ka o kung nakatambay ka sa Starbucks? Ano? Nagpapastalk lang? Sana lagyan mo nang latoy ang pagtwitweet para ganahan naman ang mga follower mo. Lagyan ng indayog ang iyong tweet, yung tipong nanlalandi kapag binabasa? O kaya yung nang-aakit na hindi matiis kung hindi i-retweet. Ewan ko na lang kung hindi dumami ang follower mo niyan, at kahit na adik ka at bino-broadcast mo sa buong mundo na nangungulangot ka lang, tiyak patok pa rin ang tweet mo.
            Pero paano nga kaya kung makata kang nagtwitweet? O kaya'y isang kuwentista? Mabibigkas mo nga kaya ang iyong tula o kuwento sa loob lamang ng 140 characters? Kaya mo bang ipahiwatig ang mga salitang nais mong sabihin sa kakapirasong espasyo ng twitter? Posible nga bang maging isang twitterati?

Umaga.
Bubuksan ang laptop.
Log in agad sa twitter.
username: nagtataengbolpen
password: *********

nagtataengbolpen tiriririt kumakandirit, paulit-ulit na sinusuntok, pilit ginigising ang tulog. tiriririt ayaw pa ring sumirit, ng diwa sa bugtong ng antok.

Mabuti na lang pwedeng magtweet sa cellphone. Pwedeng dalhin, kahit saan at kahit kailan...

nagtataengbolpen tinitingala ka man sa labas aking mahal na hari ngunit tandaan po na sa puting tronong ito, tayo'y pantay. iisa lang ang baho nating taglay.

nagtataengbolpen kuskos banlaw. inanod nang tubig at sabon ang bangungot na kagabi ay dumalaw. kuskos banlaw tangay nang bula ang agam2 sa parating na araw.

nagtataengbolpen puno ng alindog ang plato kong namimintog, nang agahang si nanay ang may handog. tutong, bagoong, sa lata mo'y matayog, tiyan pa ri'y gutom.

nagtataengbolpen siyaman pero pilit sumusiksik at ginagawang sampuan. ang kalahating puwitan, pilit nakikipagsagupa, sa upuang katiting na pakana ng sugapa.

No cellphone sa klase. Laos. Pero papatalo ka ba?

nagtataengbolpen sinong may sabi na bawal ihayag ang sarili? sinong may sabi? isang  taong makasarili. o ikaw diyus-diyosan na blackboard lang ang kakampi?

Tanghali.

nagtataengbolpen lahat sila'y mapang-akit. mamilipit sa pait o madarang sa anghang. madali! pagkat ito lang ay quickee, bastedin man, ikaw pa rin ang lugi.

nagtataengbolpen sumisilip na ang hikab, ako'y nakikipagtuos. pipikit na dahil sa taksil na antok, litanya ni mam, tila awit ng ibong adarnang naghihimutok.

Hapon.

nagatataengbolpen kumakalembang na ang kampana ngunit hindi misa ang kaniyang binabalita. mga ate't kuya, oras na para dasalan ang santong patron ng mga gala.

nagtataengbolpen nakikipaglaro sa aking dila ang gatas at tsaa, kinasal ang dalawa nang supling ay mga sago at nata. pinagkakaguluhan, tila palabas sa perya.

nagtataengbolpen o dapit-hapon bakit ganito ang iyong hatid? isang digmaan ang nag-iinit, nagbabadya, makikipagpatayan makasabit lang sa mga dumadaang jeep.

Gabi.

nagtataengbolpen sa aking mga kamay, hawak ang kapangyarihang tumalon ng daigdig. bawat drama, tawa at eksena, sa isang pindot lang magbabago ang mundo nila.

nagtataengbolpen "assignment assignment suntukan, ayan si barakuda, siya'y kaawa-awa abukaka abukaka siya'y palaka." inaawit, nakatulala, ako ang palaka.

nagtataengbolpen nagbilang na ng mga bituin, nagbilang na ng mga tupa,bakit hindi pa gumagana ang mahikang tumatawag sa antok na kanina lang ay nagmamaganda.

Log out.
Bukas ulit. 

some paper na hindi naipasa nung nag e-MA pa ako. lol

Monday, July 1, 2013

anong pangalan mo?

"anong pangalan ng bata?" tanong ni father. 

nagtinginan lang ang tatlong babae sa simbahan. 

"ako dapat ang masunod dahil mas kayumanggi ako at namana sa akin ang kulay ng bata." 

sabi ng isang babaeng kulay cocoa ang balat, medyo pandak at pango ang ilong. hinawi niya ang kaniyang itim at mahabang buhok animo'y siguradong sigurado na siya na ang magpapangalan sa bata.

"i don't think so." pulang pula ang lipstick ng babae hanggang leeg lang ang buhok na blonde at parang hindi binyagan pupuntahan dahil sa igsi ng palda. "i should name the baby because i will educate her and she will grow up just like me!"

tila naeskandalo naman ang isang matangkad na babaeng kulot. maputi rin siya gaya ng babaeng pulang pula ang lipstick. may kasama siyang side kick, lalaking mataba na kamukha ni pringles ang bigote. bubulong ang matangkad na babae dito, ang kaniyang interpreter. 

"name the baby? you two? nagpapatawa ba kayo? que barbaridad!" napatingin ang dalawang babae sa interpreter ni kulot. 

"ikaw! pobre!" duro ng interpreter sa babaeng pandak. "ikaw, no values!" sabi naman niya kay miss red lipstick.

nanlaki ang mga mata nila. hindi nila inakalang iinsultuhin sila nito. 

"ehem ehem. bawal pong mag-away sa simbahan." paalala ng pari bago pa magsunggaban ang dalawa. 

"i knowww." sabi ng babaeng kulot in a weird accent at mabilis na magsasalita na hindi na maiintindihan pa ng dalawang babae at ng pari. nakanganga silang nakatingin dito habang tumatango tango lang ang interpreter.

"we established this church so i have the right to name this baby." sabi ng interpreter.

"no. that doesn't follow. if you don't want me to name this baby, i will just name it on my own --" mataray na ang babaeng may pulang lipstick. nakataas na nga ang isang kilay niya.

"oo nga." umayon na lang si pandak sa babae.

"dios mio!" umiiling lang ang babaeng kulot, niratrat na naman sila ng mga salitang hindi nila maintindihan. pero nakatingin na ang sila sa interpreter para antabayanan ang sagot.

"wala talagang modo ang babaeng yan dahil walang paggalang sa relihiyon. hindi makakarating sa langit ang bata if the baby has no name!" diin ng interpreter.

"e di papangalanan ko na." lumapit sa pari ang babaeng pandak. "ako na po ang magpapangalan sa kaniya father ---" 

"excuse me! i should name her --"

"no! no! no! me! me! me!" yun na lang nasabi nung kulot.

magbabangayan silang tatlo. nakamasid sa kanila ang pari habang hawak ang sanggol. hindi na makasingit pa ang interpreter sa usapan. wala nang paki ang babaeng pandak at si miss lipstick kay kulot dahil hindi naman nila ito maintindihan. 

hindi na kinaya ni father ang kaguluhan.

"para walang away pangalanan niyo na lang siya tatlo!" sigaw ni father.

mapapatingin ang tatlo sa kaniya.

"that's a good idea." ngiti ni miss lipstick.

"muy bien. muy bien." na-frustrate na lang si kulot at naki-ayon.

"ayos yan father para walang away." sabi ni kayumangging pandak. 

"so anong pangalan ng bata?" tanong ulit ni father.

"philippines!"
"filipinas!" 
"pilipinas!"

sabay sabay ang tatlo. napatingin lang sa kanila ang pari. 


guess who's back?

ang surreal lang ng feeling coming back. as if i'm talking to my younger self. as in.  birthday blues? maybe. naisipan ko lang na tignan...