Showing posts with label twitter. Show all posts
Showing posts with label twitter. Show all posts

Wednesday, October 9, 2013

twitterati


            Sa mundo ng twitter kailangan mong masabi ang gusto mong sabihin sa 140 characters. At sa mundong ito, pinagsisigawan ng lahat ng tao ang mga bagay patungkol sa kanilang sarili o sa kanilang mundong ginagalawan. Mula sa pinakamalalaking impormasyon na maaaring lumikha ng balita hanggang sa pinakamaliliit na bagay na kung tutuusin wala namang pakialam ang makababasa pero karamihan ay umiinog ang sandamukal ng tweet sa mga walang katorya-toryang bagay (guilty!). Ano nga bang pakialam ng follower mo kung naliligo ka o kung nakatambay ka sa Starbucks? Ano? Nagpapastalk lang? Sana lagyan mo nang latoy ang pagtwitweet para ganahan naman ang mga follower mo. Lagyan ng indayog ang iyong tweet, yung tipong nanlalandi kapag binabasa? O kaya yung nang-aakit na hindi matiis kung hindi i-retweet. Ewan ko na lang kung hindi dumami ang follower mo niyan, at kahit na adik ka at bino-broadcast mo sa buong mundo na nangungulangot ka lang, tiyak patok pa rin ang tweet mo.
            Pero paano nga kaya kung makata kang nagtwitweet? O kaya'y isang kuwentista? Mabibigkas mo nga kaya ang iyong tula o kuwento sa loob lamang ng 140 characters? Kaya mo bang ipahiwatig ang mga salitang nais mong sabihin sa kakapirasong espasyo ng twitter? Posible nga bang maging isang twitterati?

Umaga.
Bubuksan ang laptop.
Log in agad sa twitter.
username: nagtataengbolpen
password: *********

nagtataengbolpen tiriririt kumakandirit, paulit-ulit na sinusuntok, pilit ginigising ang tulog. tiriririt ayaw pa ring sumirit, ng diwa sa bugtong ng antok.

Mabuti na lang pwedeng magtweet sa cellphone. Pwedeng dalhin, kahit saan at kahit kailan...

nagtataengbolpen tinitingala ka man sa labas aking mahal na hari ngunit tandaan po na sa puting tronong ito, tayo'y pantay. iisa lang ang baho nating taglay.

nagtataengbolpen kuskos banlaw. inanod nang tubig at sabon ang bangungot na kagabi ay dumalaw. kuskos banlaw tangay nang bula ang agam2 sa parating na araw.

nagtataengbolpen puno ng alindog ang plato kong namimintog, nang agahang si nanay ang may handog. tutong, bagoong, sa lata mo'y matayog, tiyan pa ri'y gutom.

nagtataengbolpen siyaman pero pilit sumusiksik at ginagawang sampuan. ang kalahating puwitan, pilit nakikipagsagupa, sa upuang katiting na pakana ng sugapa.

No cellphone sa klase. Laos. Pero papatalo ka ba?

nagtataengbolpen sinong may sabi na bawal ihayag ang sarili? sinong may sabi? isang  taong makasarili. o ikaw diyus-diyosan na blackboard lang ang kakampi?

Tanghali.

nagtataengbolpen lahat sila'y mapang-akit. mamilipit sa pait o madarang sa anghang. madali! pagkat ito lang ay quickee, bastedin man, ikaw pa rin ang lugi.

nagtataengbolpen sumisilip na ang hikab, ako'y nakikipagtuos. pipikit na dahil sa taksil na antok, litanya ni mam, tila awit ng ibong adarnang naghihimutok.

Hapon.

nagatataengbolpen kumakalembang na ang kampana ngunit hindi misa ang kaniyang binabalita. mga ate't kuya, oras na para dasalan ang santong patron ng mga gala.

nagtataengbolpen nakikipaglaro sa aking dila ang gatas at tsaa, kinasal ang dalawa nang supling ay mga sago at nata. pinagkakaguluhan, tila palabas sa perya.

nagtataengbolpen o dapit-hapon bakit ganito ang iyong hatid? isang digmaan ang nag-iinit, nagbabadya, makikipagpatayan makasabit lang sa mga dumadaang jeep.

Gabi.

nagtataengbolpen sa aking mga kamay, hawak ang kapangyarihang tumalon ng daigdig. bawat drama, tawa at eksena, sa isang pindot lang magbabago ang mundo nila.

nagtataengbolpen "assignment assignment suntukan, ayan si barakuda, siya'y kaawa-awa abukaka abukaka siya'y palaka." inaawit, nakatulala, ako ang palaka.

nagtataengbolpen nagbilang na ng mga bituin, nagbilang na ng mga tupa,bakit hindi pa gumagana ang mahikang tumatawag sa antok na kanina lang ay nagmamaganda.

Log out.
Bukas ulit. 

some paper na hindi naipasa nung nag e-MA pa ako. lol

guess who's back?

ang surreal lang ng feeling coming back. as if i'm talking to my younger self. as in.  birthday blues? maybe. naisipan ko lang na tignan...