araw ng mga patay ngayon.
araw ng pagluluksa.
araw ng pagtitirik ng kandila
pinagluluksa ko ang araw na ito,
ang araw na ginugunita ang mga yumao
na pwedeng namang alalahanin araw-araw.
pinagluluksa ko ang mga taong hindi na makaalala,
mga tunay na nakalimot na
ng mga magagandang alaala
at ang mga nilalang na sinasadyang magka-amnesia.
pinagluluksa ko ang mga nawalan na ng pagasa,
ang mga sumuko kahit pwedeng lumaban pa.
sa mga naapi at mga nang-aapi.
mga pumatay at namatay.
pinagluluksa ko ang mga kaluluwa.
mga halang at wala na.
mga espiritong buhay at ng mga yumao na.
mga hindi matahimik at hindi nanahimik.
pinagluluksa ko ang aking puso,
na minsan ay malamig
at minsan ay nakalimot na yatang magmahal
at tumitibok pero hindi tinitibukan.
pinagluluksa ko ang aking sarili,
sa mga bagay na aking nakalimutan,
sa mga tagpong hindi hinaharap
at sa mga alaalang pilit hinahanap
at binabaon kasama ng mga bangkay.
pinagluluksa ko ang pilipinas,
ang bansang animo'y paurong
pero buhay na patay na alam mo namang lumalaban.
ang mga nabubulok na pulitiko...
ang mga inuuod na prinsipyo
mga pinaslang na ideya.
pinagluluksa ko ang mga taong hindi marunong manindigan,
mga walang pinaniniwalaan.
mga humihipo ng ganap sa kawalan...
mga nagtatapang-tapangan
pero duwag naman.
pinagluluksa ko ang katapusan,
ang tuldok.
ang tandang panamdam na nanggulat
at nanunuya.
pinagluluksa ko ang mga kahapon
mga hindi nagawang plano
o mga planong pilit na hindi tinapos
pinagluluksa ko ang post na ito,
pilit na dinuduktungan pero dapat nang tuldukan.